|
||||||||
|
||
Nagluluksa ang bansa sa pagyao ng pinakamatandang beterano
PIKAMATANDANG BETERANO LABAN SA MGA HAPON, PUMANAW NA. Nagluluksa ang bansa sa pagyao ni Engr. Fernando Perez Javier sa edad na 107 kahapon dahilan sa kanyang sakit. Nakapanayam na siya ng CRi -Filipino Service ilang taon na ang nakalilipas kasama ang kanyang kapatid na lumaban sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (PVAO Photo)
NAMAYAPA na ang pinakamatandang beteranong nakipaglaban sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pangdaigdig. Sumakabilang-buhay na si Engr. Fernando Perez Javier kahapon sa Baguio City dahilan sa kanyang karamdaman sa edad na 107.
Siya rin ang pinakamatandang nagtapos sa University of the Philippines. Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na nakikiisa ang bansang Pilipinas sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Pamantasan ng Pilipinas sa pagyao ni Engr. Fernando Perez Javier.
Idinagdag pa ni Secretary Lacierda na hindi malilimot ng bansa ang paglilingkod ni Engr. Perez Javier noong digmaan at nawa'y magsilbing inspirasyon sa mga mamamayan ang kanyang kabayanihan.
Ayon sa Philippine Veterans Affairs Office, ang kanyang labi ay sinunog na kahapon at dadalhin sa Quezon City sa Huwebes upang ilibing sa Garden of the Divine Word Columbarium.
Isinilang si Engr. Javier noong ika-22 ng Disyembre, 1907 sa Ilocos Norte at nakaligtas sa Bataan Death March noong 1942. Nagtapos siya ng Engineering sa University of the Philippines noong 1933 at pinarangalan bilang "Century Man" noong ika-isang daang taong anibersaryo ng pamantasan noong 2008.
Nag-alok ang Philippine Veterans Affairs Office ng libing na may full military honors sa Libingan ng mga Bayani.
Nakapanayam na ng China Radio International at CBCP News ang magkapatid na Javier ilang taon na ang nakalilipas hinggil sa kanilang karanasan noong nakikidigma ang mga Filipino laban sa mga Hapones.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |