|
||||||||
|
||
Magsabi lang ng katotohanan ay matatanggap na ng bayan
MAGSABI LANG NG TOTOO AY MATATANGGAP NA NG TAO. Ito ang mensahe ni dating Senador Eddie Ilarde (kaliwa) kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Nakasama rin niya sina dating Senador Francisco Tatad at Victor San Andres Ziga. Dumalo rin si Political Science Professor Richard Javad Heydarian. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA ang tatlong dating senador ng bansa na kailangang magsabi ng totoo si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang ika-anim at huling State of the Nation Address ngayong araw na ito. Ito rin ang paniniwala ng isang propesor ng Political Science sa De La Salle University.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Senador Eddie Ilarde ng nagmula sa ika-pitong Kongreso na kailangang magsabi ng totoo ang pangulo sapagkat batid naman ng madla ang tunay na kalagayan ng bansa, tulad ng mga hirap sumakay sa Metro Rail Transit – 3 at dalawa pang mass transport lines sa Metro Manila, ang nagaganap na kahirapan ng mga mamamayan at kawalan ng maliwanag na pagtingin sa mga usaping panglabas (foreign affairs).
Sa panig ni Senador Victor San Andres Ziga, senador noong ika-walong Kongreso, na halos 6,000 mga Filipino ang umaalis na bansa araw-araw upang maghanap at magtrabaho sa walang katiyakang kondisyon at kalagayan sa ibang bansa. Binanggit din niya na mayroong nagnanais manatali sa mapapanganib na pook kaysa manatiling walang trabaho sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Senador Francisco Tatad ng ika-siyam hanggang ika-11 Kongreso na hindi na kailangan pang pagandahin ang talumpati sapagkat nararapat magkaroon ng tunay na pag-uulat sa mga nagawa sa nakalipas na limang taon, tulad halimbawa ng pagsugpo sa katiwalian.
Kung usaping panglabas naman ang bibigyang-halaga, sinabi ni Prof. Richard Heydarian na nakalulungkot na walang ibang paraan ang Pilipinas sa paglutas ng 'di pagkakaunawaan sa bansang Tsina. Inihalimbawa niya ang ginagawa ng Vietnam na mayroong tatlong "hotlines" sa Tsina na magagamit kung sakaling magkaroon ng problema.
Binanggit pa ni G. Heydarian na ang Pilipinas ang gumagastos sa usaping dinala sa The Hague na tatalakay pa lamang sa hurisdiksyon ng international tribunal at kung sakaling mabatid na may hurisdiksyon ay saka pa lamang maglilitis base sa merito ng mga dokumento at argumento ng Republika ng Pilipinas. Niliwanag din ni G. Heydarian na pamahalaan ng Pilipinas ang gumagasta sa paglilitis at sa mga bayarin para sa mga bantog na tagapagtanggol.
Niliwanag din niya na ang hurisdiksyon ay nasa International Court of Justice. Iminungkahi naman ni Senador Ziga na mapapakinabangan ng Pilipinas ang mga Tsinoy na nasa Pilipinas upang maging daan na back-channeling sa Tsina lalo pa't ang mga Tsinoy at mga Tsino sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay mayroon pa ring malapit na relasyon sa kanilang mga kababayan at lupang-tinubuan ng kanilang mga magulang.
Naniniwala si Senador Ilarde na nais ng America na makipaglaban ang Pilipinas sa Tsina samantalang 'di makikidigma ang America sa Tsina dahilan sa kanyang pambansang interes. Ilang ulit na umanong napasubo at nagamit ang mga Pilipino sa masalimuot na isyung pangpolitika ng mga superpower.
Gununita ni Senador Ilarde na kakaiba ang paghahatid ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sapagkat saulado niya ang kanyang talumpati. Nakikipag-usap o nangungusap umano ang dating pangulo sa mga mamamayan at walang teleprompter na ginagamit na ngayon. Sumang-ayon si Senador Tatad sapagkat siya umano ang nagmungkahing bumili nito matapos gamitin sa unang pagkakataon ni US President Richard Nixon ang teleprompter sa Washington noong dekada sitenta.
Para kay Senador Tatad, kaduda-duda ang kinalabasan ng mga halalan noong 2010 at 2013 sapagkat kaduda-duda rin ang Smartmatic na gagamitin na naman ngayong darating na halalan. Mahirap umanong paniwalaan ang Smartmatic sapagkat kung tutuusin ay ilegal ang operasyon ng kumpanyang ito sa Pilipinas. Ilegal sapagkat banyaga ang may-ari nito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |