Social Watch Philippines, pinuna ang paggasta sa "Yolanda"
NANAWAGAN ang Social Watch Philippines sa Kongreso na alamin kung paano gagastusin ang P44.49 bilyong nakalaan para sa "Yolanda Rehabilitation and Reconstruction program" na napapaloob sa panukalang 2016 budget. Kailangang ipaliwanag ng Department of Budget and Management kung saan at paano gagastusin ang iba't ibang proyekto.
Nakaligtaan ng pamahalaan ang transparency sa panukalang budget para sa malawakang rehabilitasyon at reconstruction ng mga napinsalang pook, ayon sa talaan. Kabilang sa programa ang climate change adaptation at mitigation na kabilang sa prayoridad ng Aquino administration.
Kailangang magkaroon ng citizens' participation at accountability, ayon kay Professor Leonor Magtolis Briones na dating pambansang ingat-yaman (national treasurer).
Ito ang reaksyon ng Social Watch Philippines sa pahayag ng Department of Budget and Management na unang nagsabing hindi dapat makalito sa publiko ang mga puna.
Unang sinabi ng SWP na nakalulungkot na ang salaping nakalaan para sa "Yolanda" ay nabawasan pa dahil sa pinsalang idinulot ng mga bagyong "Quinta", "Emong", "Juaning"" at lindol sa Bohol. Walang problema sa pagbabahagi ng budget subalit nararapat lamang na mabatid ng lahat ang paraan ng paggasta, dagdag pa ni Prof. Briones.
1 2 3 4 5