|
||||||||
|
||
150901melo.mp3
|
Pag-aalaga sa kapaligiran, mahalaga sa mga mamamayan
PANGALAGAAN ANG KAPALIGIRAN. Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng World Day of Prayer at Ikatalong Season of Creation sa Manila Cathedral. Nanawagan siya na magmas, makinig at magsuri sa mga nagaganap sa kapaligiran. (Roy Lagarde)
KAILANGANG alagaan ang kapaligiran sapagkat ito'y paggalang sa Panginoong lumikha. Ito ang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle sa Pandaigdigang Araw ng Panalangin at ang Ikatlong "Season of Creation" sa Maynila.
Imunungkahi ng cardinal na makabubuting makinig, magmasid, magsuri at kumilos upang matugunan ang hinaing ng daigdig.
Sa pamamagitan ng agham, nababatid ng madla ng mas maliwanag at nakikita kung anong tunay na nagaganap sa kapaligiran. Sa mga nakikita at napakikinggan, natututo ang mga mamamyang magdesisyon kung anong magagawa upang mapangalagaan ang kapaligirang minana sa mga ninuno at ipamamana sa mga susunod na saling-lahi.
Mas makabubuting mabatid rin ang pinag-uugatan ng pagkapinsala ng kapaligiran tulad ng ipinaaalala ni Pope Francis sa kanyang encyclical na pinamagatang "Laudato Si mi Signore!" Ang lahat ay may kaugnayan sa isa't isa sapagkat ang nagaganap sa kapaligiran ay makaaapekto sa lahat ng nilalang. May koneksyon ito sa paraan ng pagkakalakal, pagtrato ng manggagawa at hindi pagsasama sa mahihirap sa kaunlaran. Idinagdag pa niyang ang mahihirap ang pinakananganganib sa anumang pagbabago sa klima.
Matapos masuri ang nagaganap, kailangang kumilos sa iba't ibang larangan tulad halimbawa ng Edukasyon. Mahalaga ito sapagkat mababatid ng karamihan kung ano ang mga posibleng magawa sa pagpapanatili ng maayos na kapaligiran.
Bilang pangwakas, nanawagan ang cardinal na maging mapanuri ang mga mamamayan, mag-isip at magsuri. Kailangan ding maging mapangalaga ang mga mamamayan at kakitaan ng pagbabago sa kani-kanilang buhay.
Kailangang magkaroon ng pagmamalasakit hindi lamang para sa sarili kungdi sa lipunan at kapaligiran, dagdag pa ni Cardinal Tagle.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |