|
||||||||
|
||
150813melo.mp3
|
NABAHALA si Chaloka Beyani, ang United Nations Special Rapporteur ng sa mga karapatan ng internally displaced persons. Mali umano ang pag-unawa ng Armed Forces of the Philippines sa kalagayan ng daan-daang evacuees sa Davao.
Ang pananaw ng AFP ayon sa pahayag ng United Nations sa Maynila at Geneva ay "incorrect", "unacceptable" at "gross distortion" ng kanyang pananaw.
Sa isang press release na ipinalabas noong ikapito ng Agosto, nagkaroon ng misquotation kay G. Beyani na umano'y nagsabing ang mga katutubo sa Davao City ay hindi pinalikas mula sa kanilang lupang tinubuan bagkos ay mga biktima ng human trafficking.
Nagsagawa ang Special Rapporteur ng sampung araw na opisyal na pagdalaw sa bansa sa paanyaya ng pamahalaan na nagtapos noong ika-31 ng Hulyo.
Ayon kay G. Beyani, sa kanyang pagdalaw, sinabihan siya ng mga kinatawan ng AFP ng kanilang assessment o pagtataya sa kalagayan ng mga katutubo na pawang biktima ng human trafficking at sila'y pinipiit laban sa kanilang paniniwala sa United Church of Christ in the Philippines sa Haran.
Pinanindigan ng special rapporteur na ang mga katutubo sa Davao ay hindi biktima ng human trafficking. Maliwanag umano sa kanilang talakayan kasama ang senior representatives ng AFP sa ilang pagkakataon. Sa kanyang press conference, lumabas na hindi kailanman naging biktima ng human trafficking ang mga katutubo.
Niliwanag pa ni G. Beyani na ang mga katutubong kanyang nakapanayam ay nagsabing sila ay nailipat ng maayos sa simbahan at bilang tugon sa militarization ng kanilang mga lupain at pwersahang pagsasama sa kanilang sa paramilitary groups sa ilalim ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. May pagtatangka umanong ilabas sila sa simbahan ng UCCP ng walang anumang konsultasyon sa mga mamamayan.
Hindi umano niya matatanggap ang pahayag ng Eastern Mindanao Command sa kanilang news release noong isang linggo na ang mga lumad ay biktima ng human trafficking at taliwas sa naunang pahayag ng special rapporteur.
Sa pagtatapos ng kanyang pagdalaw noong ika-31 ng Hulyo, nanawagan siya na magkaroon ng payapang solusyon sa kanilang kalagayan base sa konsultasyon sa mga mamamayan at sa kanilang mga lehitimong pinuno. Hindi matatanggap ang manipulasyon ng alinmang grupong kabilang sa pamahalaan o sa pribadong sektor. Nararapat bigyang halaga ang karapatan ng mga katutubo at walang anumang pagtatangkang alisin sila sa loob ng simbahan ang nararapat maganap. Magugunitang matagal na ang sagupaan sa pagitan ng mga kawal at mga guerilya ng New People's Army.
Naniniwala ang mga katutubo na makababalik sila sa kanilang mga lupain sa oras na magwakas ang militarisasyon. Kailangang matiyak ang kanilang kaligtasan, dignidad at proteksyon. Pinipilit umano silang lumahok sa Alamara sa ilalim ng kontrol ng militar. Pinagbabawalan ang kanilang mga anak na pumasok sa paaralan.
Nanawagan si G. Beyani sa pamahalaan na kausapin ang mga katutubo at bigyang pansin ang dahilan ng kanilang paglisan sa kanilang mga tinitirhan dahil sa militarisasyon at development programs.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |