|
||||||||
|
||
Gobernador ng Capiz, pinasibak ng Ombudsman
TINANGGAL sa kanyang tungkulin si Capiz Governor Victor Tanco, Sr. at ang kanyang anak dahilan sa diumano'y pangingikil ng P 3 milyon mula sa isang kontratista kapalit ng isang itatayong pagamutan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na ginawaran din niya ng accessory penalties ng perpetual disqualification mula sa tanggapan ng pamahalaan, pagkakansela ng kanilang eligibility at pagbawi sa retirement benefits.
Nakatagpo ng probable cause ang Ombdusman na kasuhan si Tanco at ang kanyang anak, Security Officer III Vladimir Tanco nang katiwalian sa ginawang pangingikil.
Sa kanyang pahayag sa Ombudsman, sinabi ni Leodegario Labao, Jr. ng Kirskat Venture na noong ika-19 ng Setyembre 2011, ipinadala ni Governor Tanco ang kanyang anak sa kanyang opisina at humingi ng tatlong milyong piso bilang kabayaran sa paglalabas ng P32.9 milyon para sa Mambusao District Hospital project.
Idinagdag pa ng kontratista na pinagbantaan siyang isasama sa blacklist bilang contractor kung 'di magbabayad ng sapat na halaga.
Noong ika-21 ng Setyembre, 2011, sumunod si Labao at nagdala ng tsekeng P 3 milyon na may nakasulat na Mambusao Hospital SOP sa bahay ng gobernador. Naideposito ang halaga sa bank account ng anak ng gobernador.
Noong ika-24 ng Oktubre 2011, naglabas ang governor's office ng P2.2 milyong tseke na kumakatawan sa 15% ng mobilization fund na pabor sa Kirskat. Hindi pinaniwalaan ng Ombudsman ang depensa ng gobernador na utang lamang ang kanyang salaping tinanggap mula sa kontratista.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |