|
||||||||
|
||
Hindi remittance company ang Philippine Remittance Co.
NILIWANAG ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares sa Senate Blue Ribbon Committee na ang Philippine Remittance Co. na kilala sa pangalang PhilRem ay hindi rehistradong remittance company.
Dumalo sa kauna-unahang pagkakataon si Commissioner Henares sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa may US$ 81 milyon money-laundering case. Tinanong si Commissioner Henares kung ano ang kalagayan ng mga resibong inilalabas ng PhilRem sa kanilang mga kliyente.
Nadiskubre umano ng BIR na ang PhilRem ay rehistrado bilang land transportation contractor at hindi bilang money changer at remittance company.
May mali umano sa registration ng kumpanya sapagkat sinasabi sa registration na hindi ito money changer o remittance company. Nagkaroon umano ng pagsusog sa articles of incorporation noong 2005 subalit hindi inayos ang rehistro sa Bureau of Internal Revenue.
Ipinaliwanag ni Commissioner Henares na ang isang remittance company ay isang non-bank intermediary na inaasahang magbabayad ng 5% ng gross receipt tax at hindi value added tax. Hindi niya naibigay ang halaga ng buwis na ibinayad ng PhilRem subalit wala umano ito sa halagang isang daang libong piso.
Napuna rin ang mali sa resibong inilalabas ng kumpanya na paglabag sa National Internal Revenue Code sapagkat hindi ito rehistrado sa BIR tulad ng kautusang nagkabisa noong 2013.
Lahat umano ng resibong ilalabas ay nararapat na rehistrado sa Bureau of Internal Revenue. Hindi autorisado at hindi rehistrado ang resibo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |