|
||||||||
|
||
160614melo.mp3
|
Abu Sayyaf, pinugutan ang bihag na Canadian
NATAGPUAN na ang ulo ng isang pinaniniwalaang banyagang pinugutan ng Abu Sayyaf kahapon matapos 'di magbayad ng ransom ang mga opisyal ng Canada at Pilipinas.
Ayon kay Major Filemon I. Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines Western Command, natagpuan kagabing bago sumapit ang ikasiyam ang isang ulong pinaniniwalaang kay Robert Hall sa may bakuran ng Jolo Cathedral. Kunuha ng mga tauhan ng pulisya ng Sulu ang labi at dinala sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista.
Sa pagkakataong ito, nakumpirmang pinaslang na nga ng Abu Sayyaf ang isa sa nalalabing tatlong biktimang dinukot sa Samal Island sa Davao Oriental noong ika-21 ng Setyembre 2015.
Ayon kay Major Tan, ang pagpaslang na naganap ay taliwas sa itinuturo ng Islam at paglabag sa mga layunin ni Mohammad.
Sa panig ng Pambansang Pulisya, sinabi naman ni Chief Supt. Wilben Mayor, na kinokondena nila ang pamumugot sa banyagang pinaniniwalaang si Robert Hall kahapon.
Nakumpirma na ng Sulu Provincial Police Office na natagpuan ang pinugot na ulo sa may bakuran ng Mt. Carmel Cathedral. Nakasilid sa isang plastic bag ang ulo. Nakatanggap ang pulis ng impormasyon mula sa isang mamamayan ng bayan. Dinala ang labi sa Trauma Station Hospital sa kampo ng militar.
Nagpapaabot din ng pakikiramay ang pulisya sa pamilya ng napaslang at iminungkahi rin ni G. Mayor sa mga mamamahayag na igalang ang pagdadalamhati ng pamilya at huwag ng gumawa ng 'di inaasahan upang madagdagan pa ang pagluluksa ng pamilya at mga kababaya't kaibigan.
Marapat lamang kondenahin ang gawang ito ng Abu Sayyaf, dagdag pa ni G. Mayor.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |