|
||||||||
|
||
Mga Obispo ng Pilipinas, nakiramay sa mga nasawi, nasugatan at naulila sa pamamaril sa Orlando
IPINAABOT ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pakikiramay sa mga naulila sa pamamaril na naganap sa Orlando, Florida noong nakalipas na Linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Arsobispo Villegas na nakababahala ang mga larawang nakita sa pandaigdigang telebisyon na kinatagpuan ng mga bangkay na duguan na kagagawan na isang taong nagbago ng larawan ng komunidad at daigdig.
Nakikiisa ang mga obispo ng bansa sa pagdadalamhati at pananalangin ng komunidad. Ang mga trahedyang ganito ang nagsisilbing hamon, 'di lamang para sa mga Americano, na makabawi agad sa pagdadalamhati at pagkabalisa.
Maliwanag umanong isang hate crime ang naganap. Nakalulungkot na ang insidente ay naganap sa kalagitnaan ng Extraordinary Jubilee Year of Mercy. Sa pangyayaring ito, may panawagan sa madla na maging mahabagin.
Kailangan din ang pagkakaroon ng pagtugon sa kaguluhan at madudugong pangyayari sapagkat ang alinmang kaguluhan ang nag-iiwan ng pagluluksa, kawalan at kapaitan. Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang lipunang nagpapahalaga sa lahat ng uri ng kaguluhan kahit pa naglalayon itong maibalik ang batas at kaayusan.
Nakita rin ang pagiging brutal ng tao sa kapwa tao. Ito ang dahilan kaya't nananawagan ang mga obispo sa lahat ng mga may paaralan at mga kabataan, na tuldukan ang anumang uri ng pananakot at panggigipit sa kapwa. Kailangang matutuhan ang kahalagahan ng buhay, dagdag pa ni Arsobispo Villegas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |