|
||||||||
|
||
Desisyon ng korte sa pagkuha ng pahayag ni Mary Jane Veloso, kinontra ng PAO
TUTOL ang Public Attorney's Office sa desisyon ng isang hukuman sa Nueva Ecija na kunan ng pahayag ang napatunayang nagkasalang si Mary Jane Veloso sa Indonesia.
Sa sampung pahinang kahilingan na isinumite ng PAO sa ngalan nina Maria Cristina Sergio at ng kanyang kinakasamang si Julius Lacanilao sa Sto. Domingo, Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 88, sinabi nilang ang pagkuha ng pahayag kay Veloso ay paglabag sa Saligang Batas ng 1987.
Sinabi ni Atty. Persida V. Rueda-Acosta na nararapat silang payagan ng hukumang harapin si Veloso sapagkat ang hindi paghaharap ng dalawang panig ay paglabag sa kanilang karapatang garantisado sa Saligang Batas.
Ani Atty. Acosta, ang akusado ay mayroong karapatan, ayon sa Saligang Batas, na harapin ang saksi laban sa kanila. Maliwanag umano ito sa Section 14, Paragraph 2 ng Bill of Rights.
Nais ni Atty. Acosta na ituwid ang datos at tapusin na ang maling pagllilitis. Ginagamit lamang umano sina Sergio at Lacanilao bilang "sacrificial lamb" sa kaso ng isang nahatulang drug mule.
Iniharap ng pag-uusig ang nilagdaang pahayag ni Veloso bilang ebidensya samantalang nakapiit sa death row sa Yogyakarta. Magugunitang sinabi ni Veloso na niloko siya ni Sergio at Lacanilao na dalhin ang may drogang maleta sa Indonesia noong 2010. Nadakip siya pagdating sa Yogyakarta Airport. Hindi muna ipinatupad ang death penalty noong ika-29 ng Abril noong nakalipas na taon sa kahilingan ni Pangulong Benigno Aquino III kay Indonesian President Jokowi Widodo.
Sa kanilang sinumpaang kahilingan sa hukuman, sinabi nina Sergio at Lacanilao na kinasuhan lamang sila ng nakalipas na pamahalaan sa pag-asang huwag mabitay si Mary Jane Veloso.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |