|
||||||||
|
||
Pag-aaruga sa mga kabataan nararapat magsimula sa sinapupunan
PAG-AARUGA SA MGA BATA, NARARAPAT SIMULAN SA SINAPUPUNAN PA LAMANG. Naniniwala si Ako Bicol Party List Congressman Alfredo A. Garbin, Jr. na sa pagbabawas ng 1% sa malnourished children ay nangangahulugan na ng kawasang 4% sa bilang ng mahihirap sa bansa. Kung magiging malusog ang mga sanggol at bata, hindi na mangangailngan pa ng medical assistance, dagdag pa ng mambabatas. (Melo M. Acuna)
NANAWAGAN si Ako Bicol Party List Congressman Alfredo A. Garbin, Jr. na bigyang halaga ang pagkakaroon ng sapat na sustansya sa mga sanggol sa loob pa lang ng sinapupunan ng ina.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina, sinabi ni Congressman Garbin na malaking bagay ang pagkakaroon ng malulusog na mga sanggol sa kanilang pagsilang sapagkat makaiiwas sila sa karamdaman at mga komplikasyon na may kinalaman sa kakulangan sa sustansya.
Ipinaliwanag niyang ang mababawas na isang porsiyento sa bilang ng kulang sa sustansyang mga kabataan ay mangangahulugan ng kabawasan ng apat na porsiyento sa bilang ng mahihirap sa bansa.
Nararapat pangalagaan ang mga sanggol sa unang isang libong araw mula sa paglilihi, dagdag pa ni Congressman Garbin. Ang mga problemang kinakaharap ng mga kabataan ay nag-uugat sa kahirapan kaya't kailangang maging malawakan ang kampanya laban sa kakulangan ng sustansya sa pagkain ng mga sanggol at mga kabataan.
Bagama't nakakatulong ang Conditional Cash Transfer ng pamahalaan, dumarating din ang pagkakataon na nakikinabang ang mga negosyante sapagkat nagpapautang na ng appliances sa mga tumatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Niliwanag pa ni Congressman Garbin na mabuting pag-aralan din ng pamahalaan kung higit na makabubuti ang paglalaan ng prime commodities sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga tindahan sa iba't ibang bahagi ng bansa. May pagkakataon umanong nauuwi sa sabungan at tupada ang mga ama ng tahanan pagtanggap ng benepisyo, dagdag pa ng mambabatas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |