|
||||||||
|
||
Pagdalaw ng mga mamamahayag na Filipino sa Tsina, tagumpay
MGA MAMAMAHAYAG NA DUMALAW SA BEIJING, NANNING AT YANGSHUO. Matagumpay ang pagdalaw ng mga mamamahayag mula sa Mindanao at Luzon sa Tsina. Nagkaroon ng pakikipag-usap sa mga dalubhasa sa turismo at pagsasaka ang mga Filipino. (Melo Acuna)
LIGHT SHOW, IKINATUWA NG MGA MANONOOD. Isang magandang pagkakataon para sa mga turistang Tsino at banyaga ang Light Show sa Yangshuo county sa Guilin. Tampok ang may 600 performer na mga magsasaka at mangingisda sa pook. (Melo Acuna)
LI RIVER, TUNAY NA NAKABIBIGHANI. Libong mga turista ang nabibighani sa kagandahan ng mga bundok samantalang sakay ng mga bangkang de motor at lantsa sa Li River. Makikita ang magagandang bundok at burol sa pook. Nakadalaw din ang mga mamamahayag mula sa Pilipinas sa pook na ito. (Melo Acuna)
DUMALAW ang sampung alagad ng media sa Tsina sa paanyaya ng China Daily mula noong Lunes, ika-31 ng Oktubre hanggang noong nakalipas na Sabago, ikalima ng Nobyembre.
Nagkaroon ng mga panayam sa pagdalaw sa mga magagandang pook sa Beijing tulad ng naganap sa Jinfu Yinong Agricultural Park sa Tong Zhou District at sa COFCO Agricultural Eco Valley sa Fang Shan District na kinatagpuan ng mga tradisyunal at makabagong paraan ng pag-aalaga ng mga pananim.
Dumalaw din ang delegasyon sa Confucius Temple at sa dating Imperial College noong Yuan, Ming at Qing dynasties.
Isa sa pinakamagandang pagkakataon para sa delegasyon ang pakikipagpalitan ng pananaw sa mga patnugot kung paano mapapag-ibayo ang pagbabalita hinggil sa relasyong namamagitan sa Tsina at Pilipinas. Nakausap din ng mga Filipino ang mga dalubhasa sa larangan ng social media sa China Daily.
Naglakbay ang delegasyon sakay ng eroplano patungo sa Nanning. Pagsapit ng ika-apat na araw, dumalaw ang delegasyon sa China-ASEAN Modern Agricultural Science and Technology Demonstration Park. Nagtapos ang maghapon sa pagdalaw sa Qingxiu Mountain at pagsakay sa tren tungo sa Yangshuo.
Dumalaw din ang grupo sa Yangshuo Bailixin Village Eco-agricultural Tourist Zone na kinampukan ng panayam sa paraan ng pag-aalaga ng ubas at strawberry.
Isa sa pinakamagandang karanasan ang paglalakbay sa Li River na napanatiling malinis at makabuluhan sa libu-libong mga turistang banyaga at Tsino. Itinampok din kinagabihan ang pagtatanghal ng may 600 performer sa Light Show sa Impression San Jie, sa isang sentro na may kakayahang tumanggap ng 3,500 manonood.
Noong Sabado ng umaga, nakadalaw pa ang grupo sa Yulong River na naglalarawan ng malinis na kapaligiran. Nakapanayam din ng mga mamamahayag ang mga opisyal na nakababatid ng mahahalagang impormasyon sa larangan ng turismo.
Kasama sa delegasyon sina Ariel Sebellino, executive director ng Philippine Press Institute, Leslie Venzon Gatpolintan, isang patnugot ng Philippines News Agency, Vic Vizcocho, Jr., publisher ng Subic Bay News, Nasrul Maulana, isang kolumnista ng Mindanao Cross, Ramonchita Larano ng DWIZ, Madeline Miralfor ng Manila Bulletin, Cecille Lardizabal ng CNN Philippines, Dominic Almelor ng ABS-CBN News, Malu Manar ng DXND Kidapawan, North Cotabato at ng tagapagbalitang ito mula sa China Radio International at CBCP Online Radio.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |