Sa pakikipag-usap sa Beijing Hunyo 29, 2016 kay Hwang Kyo-ahn, Punong Ministro ng Timog Korea, na dumalo sa 2016 Summer Davos Forum sa Tianjin, Tsina, ipinahayag ni Pangulo Xi Jinping ng Tsina ang pag-asang ibayong pahihigpitin ng dalawang bansa ang mataas na pagdalaw, palalakasin ang pagtitiwalaang pampulitika, tutupdin ang kasunduan sa malayang kalakalan ng Tsina at Timog Korea, palalalimin ang pagtutulungang pinansyal, at patitibayin ang pagpapalitan sa larangan ng kultura at mamamayan, para ibayo pang palakasin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Umaasa si Pangulo Xi na patuloy na magsisikap ang Tsina at Timog Korea para sa pagbuo ng walang nuklear na peninsula ng Korea, at maayos na paglutas ng mga may-kinalamang panig sa mga di-pa nalutas na isyu, sa pamamagitan ng talastasan, para pangalagaan ang katatagan at kaunlaran ng rehiyong ito. Umaasa rin ang Pangulong Tsino na pahahalagahan ng Timog Korea ang pagkabahala ng Tsina sa larangang panseguridad, at maayos nitong hahawakan ang isyung may-kinalaman sa nakatakdang pagtatalaga ng Amerika ng anti-missiles system sa Timog Korea. Ipinaabot din ni Pangulo Xi ang pagbati kay Pangulo Park Geunhye ng Timog Korea.
Sa panig naman ni Hwang Kyo-ahn, ipinaabot niya ang pagbati sa Pangulong Tsino, mula sa kanyang Pangulo. Ipinahayag ni Hwang ang pag-asang palalakasin ang pakikipagpalitan ng Timog Korea sa Tsina sa mataas na antas. Nakahanda aniya ang Timog Korea na pahigpitin ang pakikipag-ugnay na pangkabuhayan sa Tsina, batay sa balangkas ng kasunduan ng malayang kalakalan ng Tsina at Timog Korea, palakasin ang pagtutulungan sa balangkas ng Asian Infrastructure and Investment Bank, pasulungin ang pagpapalitan ng batang henerasyon ng dalawang bansa, at pahigpitin ang pagtutulungan at pagpapalitan ng dalawang panig sa isyung nuklear ng Peninsula ng Korea.