Sina Premiyer Li Keqiang ng Tsina at PM Dimitry Medvedev ng Rusya
Idinaos Nobyembre 7 ng hapon, 2016, sa Saint Petersburg, Rusya ang 21st Regular PM's Meeting ng Tsina at Rusya. Magkasamang pinanguluhan nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Dimitry Medvedev ng Rusya ang naturang pagtitipon.
Ipinahayag ni Premyer Li na bilang mapagkaibigang magkapitbansa at estratehikong magkatuwang, nananatiling matatag at malusog ang relasyong Sino-Ruso, at nagtatamo ng bagong resulta ang pragmatikong pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan. Aniya, bilang mga pirmihang kinatawan ng United Nations Security Council(UNSC), nagpapatingkad ang Tsina at Rusya ng mahalagang papel sa pagpapalakas ng koordinasyon sa mga suliraning pandaigdig, pangangalaga sa Karta ng UN, at pagpapasulong ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Rusya para ibayong pang pahigpitin ang konektibidad sa pagitan ng "Belt and Road Initiative" at "Eurasian Economic Union." Ito aniya'y makakatulong hindi lamang sa pagpapasulong ng pagtutulungang Sino-Ruso sa mas mataas na antas at win-win situation, kundi magdudulot din ng ginhawa sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Medvedev na sa taong 2016, sa ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Rusya at ika-15 anibersaryo ng paglalagda sa "Tratado sa Mapagkaibigang Pagtutulungang Pangkapitbansa ng Tsina at Rusya," nagsisikap ang Rusya para pasulungin ang komprehensibong estratehikong pagtutulungang Sino-Ruso sa mas mataas na antas. Samantala, nananatili aniyang mainam ang pagbibigay-suporta at pagtutulungan ng Tsina at Rusya, batay sa balangkas ng mga multilateral na mekanismong kinabibilangan ng UN, G20, Shanghai Cooperation Organization(SCO), BRICS, at iba pa. Nakahanda aniya ang Rusya na magsikap, kasama ng Tsina para matupad ang mga kasunduang narating ng mga liderato at ibayo pang pahihigpitin ang mekanismong pampamahalaan ng dalawang bansa, para pasulungin ang komprehensibong pragmatikong pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan.