Hong Kong-Sa magkahiwalay na okasyon, kinatagpo Hunyo 29, 2017 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Ginoong Leung Chun-ying, Punong Ehekutibo ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong(HKSAR) at mga namamahalang tauhan ng organong administratibo, lehislatura, at hudisyal ng HKSAR.
Tinukoy ni Pangulong Xi na naisakatuparan noong 1997 ang mapayapang pagbalik ng HK sa Inang Bayan. Ito aniya'y huwaran sa kasaysayan ng Tsina at daigdig. Ipinahayag ng Pangulong Tsino na pagkaraang bumalik ang Hong Kong sa Inang Bayan, maayos na pinaiiral dito ang sistema ng espesyal na rehiyong administratibo, na itinakda ng Konstitusyon ng Republikang Bayan ng Tsina at Saligang Batas ng HKSAR. Aniya, sa harap ng ibat-ibang hamong dulot ng krisis pinansyal sa Asya, Severe Actue Respiratory Syndrome (SARS), at pandaigdigang krisis pinansyal, nananatili pa ring matatag at masagana ang kalagayan ng HKSAR. Ito aniya'y nagpapakitang naging tumpak at masigla ang patakarang "Isang Bansa, Dalawang Sistema." Binigyang-diin ng Pangulong Tsino na positibo ang pamahalaang sentral sa tagumpay na natamo ng pamahalaan ng HKSAR, noong nagdaang limang taon, sa pamumuno ni Punong Ehekutibong Leung, sa pagpapatupad sa patakarang "Isang Bansa, Dalawang Sistema" at Saligang Batas ng HKSAR. Ipagpapatuloy aniya ng pamahalaang sentral ang pag-suporta sa bagong pamahalaan ng HKSAR, para maisakatuparan ang mas magandang nitong hinaharap at mapasulong ang muling pagbangon ng Nasyong Tsino.