|
||||||||
|
||
Mga Pilipino, abala sa Valentine's Day
BULAKLAK, TSOKOLATE, MGA LARUAN AT MALILIIT NA ASO, MABENTA NGAYONG VALENTINE'S DAY. Isa lamang ito sa mga larawang nagaganap sa Pilipinas sa pagsapit ng Valentine's Day. Kuha ang larawang ito sa labas ng Philippine Normal University Elementary Department kaninang umaga. Nagbibigay ng mga bulaklak ang mga mag-aaral sa kanilang mga guro at mga ini-irog. (Melo M. Acuna)
TIYAK na puno na naman ang mga kainan, sinehan at maging mga liwasan ngayon hanggang hatinggabi sa pagdiriwang ng Valentine's Day. Sa mga lansangan sa Maynila na katatagpuan ng mga nagtitinda ng mga bulaklak mula sa Baguio City ay hindi na halos madaanan ng mga sasakyan sa dami ng mamimili.
Pinakapaborito nila ay blood-red roses na simbolo umano ng pagmamahal. Mabili rin ang mga tsokolateng kasabay ng mga bulaklak. Mayroon ding mga stuff toys at mabili na rin ang mga aso na madaling makarga at maisama sa pamamasyal.
Dumalaw din sa Pilipinas para sa Valentine's Day concerts ang mga tanyag na mang-aawit tulad nina Jack Jones, ang Stylistics at maging mga sikat na Pilipinong mang-aawit sa mga five-star hotels at mga concert venues.
Kaninang umaga ay abala na rin ang mga nagbibili ng mga bulaklak, tsokolate at maging mga lobo na pawang kulay pula sa labas ng mga paaralan. Ugali ng mga mag-aaral sa elementarya, high school at kolehiyo na magbigay ng mga bulaklak sa kanilang mga guro at maging sa kanilang iniirog.
Ang mga tanyag na restaurant sa Quezon, Taguig, Makati, Paranaque at Manila cities ay may mga reservations na. Ito rin ang larawan sa mga regional cities. Karaniwang makikita sa mga pagtitipon, konsierto at mga kainan ang mga mag-asawa, magkatipan at maging magkakaibigang walang ka-date sa araw ng mga puso.
May mga nakapanayam na mga kabataan kung mayroon silang date ngayon at ang sagot ay pinag-ipunan nila ang araw na ito para makapiling ang kanilang mahal sa buhay.
Sa panig ni Pangulong Aquino, binabalak niyang ipagdiwang ang Valentine's Day kasama ang ilang mga kaibigan. Nananatiling binata si Pangulong Aquino hanggang sumapit sa ika-54 na kaarawan.
Sa panayam kaninang umaga, sinabi niya na makakasama niya ang mga kaibigan at may kaunting salu-salo. Iyon lamang ang kanyang tugon sa mga mamamahayag.
Nauna siyang nagsalita sa pagbubukas ng 21st TravelTour Expo 2014 ng Philippine Travel Agencies Association. Pinuri niya ang mga sangkot sa industriya at pinakiusapang tumulong upang higit na mapatatag ang katayuan ng Pilipinas sa daigdig ng turismo.
Ngayong araw ding ito ipinagdiriwang ng kapatid ni Pangulong Aquino, si Kris Aquino ang kanyang kaarawan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |