Pangalawang Pangulong Binay, aalis patungo sa Netherlands
SI Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang magiging kinatawan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa 2014 Nuclear Security Summit.
Layunin ng pagpupulong na magpasa ng pahayag na naglalaman ng mga kasunduan upang maiwasan ang nuclear terrorism. May 58 mga pinuno ng iba't ibang bansa sa daigdig ang dadalo sa pagtitipon. Kabilang na sa mga ito sina Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos, Francois Hollande ng Francia, Xi Jinping ng Tsina, Shinzo Abe ng Japan, Stephen Harper ng Canada at may 5,000 mga delegado.
Ayon kay G. Binay, kahit walang sandatang nukleyar ang Pilipinas, nararapat laging mapagbantay upang mapanatili ang pandaigdigang nuclear security at safety.
Nakatakda siyang umalis sa Sabado ng umaga sakay ng Emirates Flight EK 337. Makakausap din niya ang Hari ng Netherlands, Ang Kanyang Kamahalan Willem-Alexander. Magsasalita rin siya sa International Institute of Social Studies sa The Hague tungkol sa migration and development perspectives sa Pilipinas. Makakausap din niya ang mga may-ari ng barko at mga Pilipinong naroroon.
1 2 3 4 5