Mga Pilipino, binalaan sa palsipikadong trabaho sa Canada
NAGBABALA ang Philippine Overseas Employment Administration sa publiko na huwag mahuhulog sa patibong ng mga kriminal na nag-aalok ng trabaho sa Canada.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration sa kanilang inilathala sa kanilang Facebook account, pinangangakuan ang mga Pilipino ng trabahong nurse at caregiver sa Canadian Virtual Hospice sa Winnipeg.
Idinagdag ng POEA na huwag pansinin ang email na matatanggap na nag-aalok ng magandang trabaho sa Canada. Wala umanong sisingilin sa mga aplikante sapagkat sasagutin na ng employer ang pamasahe, work permit fee at maging working visa. Kailangan lamang sagutin ang coaching at medical examination fees sa alinmang accredited payment center upang makalahok sa embassy coaching sa Marso 22 at 23.
Nagbabala na ang POEA noon pa mang 2012 sa ganitong istilo ng pangloloko.
1 2 3 4 5