|
||||||||
|
||
Pangalawang Pangulong Binay, humiling ng tulong sa PAO
HINILING ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa Public Attorney's Office na tulungan ang mga pamilya ng walang kataong nasawi sa sunog na tumupok sa isang bodega sa Pasay City noong nakalipas na Biyernes.
Nakadaupang-palad ni G. Binay ang mga pamilya ng mga biktima sa burol sa Veronica Funeral homes. Isinumbong ng mga naulila na ang mga biktima ay ikinandado sa silid kaya't hindi sila nakatakas sa apoy.
Hiniling ni G. Binay kay Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na suriing mabuti ang detalyes ng pangyayari at mabigyang ng tulong na legal sa pinakamadaling panahon.
Sa kanyang liham na ipinadala sa Public Attorney's Office, sinabi ni G. Binay na nakakatiyak umano siyang hindi sumasahod ng legal ang mga manggagawa. Hindi rin umano nakatala sa Social Security System ang mga biktima. Tinanggap ang mga biktima bilang mga kasambahay subalit pinagtatrabaho sa kalakal ng kanilang naging amo.
Isinumbong ng mga naiwan ng mga nasawi na nagtatrabaho ang mga biktima sa pagawaan ng cellphone kaya't hindi sila mga domestic workers. Nanawagan din siya sa Department of Labor and Employment na pag-ibayuhin ang kanilang pagsusuri at pagiinspeksyon sa mga pagawaan upang mabatid ang mga tunay na situwasyon.
Sa panig ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, sinabi niyang handa silang tumulong sa mga naulila ng mga nasawi. Hiniling nila sa tanggapan ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na ipadala ang buong detalyes at mga mahahalagang impormasyon hinggil sa mga nasawi.
Karaniwan na umanong umaalalay sila sa mga referral ng iba't ibang sektor ng lipunan, dagdag pa ni Atty. Rueda-Acosta sa panayam ng CBCP Online Radio.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |