|
||||||||
|
||
Tatlumpu't siyam na Tsino, kinasuhan na
REGULAR ANG OPERASYON NG IMMIGRATION BUREAU. Ito ang sinabi ni Atty. Elaine G. Tan, Tagapagsalita ni Commissioner Sigfred Mison sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng kanilang tanggapan sa Banaue, Quezon City, Malabon at Lungsod ng Maynila noong Martes. May 55 mga Tsino ang nadakip at nabatid na nagtatrabaho sila ng walang kaukulang pahintulot mula sa pamahalaan. May kaso na ang 39 samantalang detenido sila sa Holding Facility ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig City. (Melo M. Acuna)
SA magkakasunod na pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation sa Banaue, Quezon City, Malabon at sa Lungsod ng Maynila noong Martes, ika-19 ng Agosto, 55 mga Tsino ang nadakip at pinaghihinalaang nagtatrabaho ng walang kaukulang pahintulot. Mayroong ilan sa mga nadakip ang may tourist visa mula sa Pilipinas.
Sa isang exclusive interview, sinabi ni Atty. Elaine G. Tan, tagapagsalita ng Bureau of Immigration, isang ahensya sa ilalim ng Kagawaran ng Katarungan, kinasuhan ang 39 ng pagtatrabaho ng walang permiso mula sa Department of Labor and Employment.
Dinala ang 55 mga Tsino sa holding facility ng Bureau of Immigration sa Bicutan sa Taguig City. Hindi mabatid ni Atty. Tan kung saang bahagi ng Tsina nagmula ang mga nadakip.
Regular umanong ginagawa ng Bureau of Immigration ang pagdakip ng mga banyagang walang kaukulang papeles sa ilalim ng kanilang programang "Good Guys In, Bad Guys Out".
Nais umano ng kanilang tanggapan na madali ang pamamaraan ng pagdinig upang mapauwi kaagad ang mga Tsino. Subalit kung magkakaroon sila ng protesta sa ginawang pagdakip sa kanila, magkakaroon ng usapin at magtatagal ang kanilang pananatili sa holding area.
Ani Atty. Tan, kung aaminin nilang illegal alien sila sa Pilipinas, tatapusin kaagad ang usapin at pababalikin sila sa kanilang pananggalingang bansa. Hindi pa rin mabatid kung mga biktima ng human trafficking ang mga nadakip sapagkat wala pang nagsasabing pilit silang pinaghahanapbuhay sa Pilipinas.
Wala pa ring impormasyon ang Bureau of Immigration kung sino ang facilitator ng grupo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |