|
||||||||
|
||
Binihag na guro, pinalaya
PINALAYA ng mga bandido ang isang public school teacher na kanilang binimbin ng may pitong buwan kasunod ng pagbabayad ng kalahating milyong piso.
Ayon sa pulisya ng Region IX, pinalaya si Rudy Luna bago nag hatinggabi noong Martes sa Tukuran, Zamboanga del Sur.
Isinakay ang guro sa isang bangkang de motor at iniwanan sa may daungan. Naglakad na lamang ang biktima patungo sa bahay ng kanyang kapatid.
Ang biktima ay isang school supervisor sa Kulumarang Center Elementary School at dinukot kasama ang kanyang maybahay na si Tessie noong ika-27 ng Enero sa Barangay Diplo, Kumalarang. Nakatakas ang kanyang maybahay at nag-ulat sa kinauukulan. Ilang oras bago pinalaya ang opisyal, nagkaroon ng negosasyon sa pagitan ng mga kamag-anak ng biktima at mga kidnapper sa isang kapihan sa Buug, Zamboanga Sibugay. Doon din naganap ang bayaran.
Ang salapi ay ibinigay sa isang babae na pinangakuan ng P10,000 bilang balato. Dinala ang biktima ng mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group sa isang pagamutan sa Pagadian city sa Zamboanga del Sur.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |