|
||||||||
|
||
Pari, handang magsumite ng mga dokumento laban kay General Palparan
ISANG pari ang naghahanda ng mga dokumento na isusumite sa hukumang naglilitis kay retired Major General Jovito Palparan upang makadagdag sa sa impormasyong kailangan.
PARI HAHARAP SA HUKUMAN. Handang humarap sa hukuman si Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng CBCP National Secretariat of Social Action, Justice and Peace upang dagdagan ang impormasyon sa mga ginawa ni General Jovito Palparan sa lalawigan ng Mindoro. (Melo M. Acuna)
Sinabi ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat of Social Action, Justice and Peace na noong nasa Mindoro pa siya ay may mga pananaliksik na ginawa ang kanilang tanggapan sa mga pagpaslang at papapahirap sa mga lider ng mga progresibong grupo.
Sa panayam, sinabi ni Fr. Gariguez na isinumbong na nila ang mga ginagawa ni General Palparan kay General Angelo Tomas Reyes (na namayapa na) na noo'y Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.
Upang patunayan ang kanilang sumbong, nangalap sila ng mga dokumento hinggil sa mga ginawagawa ng mga tauhan ni General Palparan sa kanilang lalawigan.
Naghasik sila ng takot sa mga mamamayan sapagkat iniiwanan nila ang mga bangkay sa plaza ng bawat bayan at ang mga taga-simbahan na ang nagpapalibing sa mga biktima.
Mayroon umano silang 12 hanggang 15 mga insidente ng pagpapahirap (torture) at pagpaslang. Bagaman, niliwanag ni Fr. Gariguez na walang direktang magtuturo kay General Palparan sa mga insidente at pawang circumstantial evidence lamang ang kanilang maibibigay.
Niliwanag ni Fr. Gariguez na wala namang ibang may kagagawan nito kungdi ang mga tauhan ng Hukbong Katihan ng Pilipinas na nasa ilalim ng pamumuno ni General Palparan.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention at kidnapping si General Palparan sa Bulacan sa pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño ng Pamantasan ng Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |