|
||||||||
|
||
Mga aso, ipadadala sa Sulu
SAMPUNG mga aso ang ipadadala ng Armed Forces of the Philippines sa Sulu upang tulungan ang security operatives sa pook.
Ipinag-utos ni General Gregorio Pio Catapang, Jr., AFP Chief of Staff ang pagpapadala ng mga aso upang magamit ng iba't ibang military units mula bukas, ika-pito ng Oktubre.
Isasakay ang mga aso sa isang C-130 cargo plane mula Villamor Air Base sa Pasay City patungo sa headquarters ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City.
Ayon kay Lt. Col. Harold Cabunoc, chief ng AFP Public Affairs, ang WESTMINCOM ang siyang may operational control sa Basilan at Sulu na prayoridad ng pamahalaan upang labanan ang Abu Sayyaf. Ang mga aso ang gagamitin sa paghahanap ng may 12 civilian hostages na hawak ng Abu Sayyaf. Lima sa mga ito ay mga banyaga.
Noong nakalipas na linggo, ipinadala ng AFP ang 501st Infantry Brigade sa pamumuno ni Colonel Noel Clement upang dagdagan ang mga kawal sa pook.
Idinagdag ni Colonel Cabunoc na sa pagpapadala ng mga aso, madadali ang paghahanap sa mga bandido upang mapalaya ang hostages.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |