|
||||||||
|
||
Mga mag-aaral at mga propesor, pinalalahok sa mga protesta
NANAWAGAN ang Student Regent at suportado ng UP Diliman Chancellor Michael Tan sa mga mag-aaral at mga guro na lumahok sa mga protesta upang manawagan, humiling ng katotohanan at pananagutan sa madugong sagupaan sa Mamasapano noong nakalipas na buwan.
Ayon sa isang pahayag na pinamagatang "A Call for Unity" bilang pangulo ng bansa at commander-in-chief, kailangang panagutan ni Pangulong Aquino ang mga naganap. Ito ang sinabi ni UP Student Regent Neill John Macuha.
Pinuna ni Macuha ang mga pagkakamaling ginawa ng mga namahala sa operasyon laban sa isang nagngangalang Marwan na ikinasawi ng 44 na pulis, 18 Moro Islamic Liberation Front fighters at limang sibilyan.
Hiniling ni Macuha ang isang malawakan at malayang pagsisiyasat sa naganap sa Mamasapano at mabatid na rin ang papel ng pangulo at mga kasama sa chain of command. Nararapat ding alamin ang papel ng Estados Unidos sa operasyon, dagdag pa ng student regent.
Nanawagan sila sa mga kasama ng UP community na lumahok sa "People's March to Mendiola" ngayong Biyernes.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |