|
||||||||
|
||
Pagganda ng ekonomiya, nakabuti sa mga kumpanya tulad ng Toyota Motor Philippines
PASASALAMAT . Ito ang sinabi ni Dr. George SK TY, chairman ng Toyota Motor Philippines sa pagdiriwang ng ika-isang milyong kotse ng Toyota na naipagbili sa Pilipinas sa loob ng 26 na taon. Nangako si Dr. Ty, isang matagumpay na Tsinoy, na patuloy silang magpupunyagi upang mapanatili ang pagtitiwala ng madla. (TMP Photo)
ANG pagganda ng ekonomiya ang siyang magdadala ng mas magandang kalagayan sa mga kumpanya tulad ng Toyota Motor Philippines. Pinasalamatan ni Finance Secretary Cesar Purisima si Chairman George Ty sa sinimulang kalakal sa bansa may 26 na taon na ang nakalilipas. Si G. Ty ang isa sa mga kinikilalang Tsinoy sa larangan ng kalakal sa bansa. Siya ang nagtatag ng isa sa pinakamalaking bangko sa bansa ang Metropolitan Bank o Metro Bank na may mga sangay sa loob at labas ng Pilipinas.
Ito ang sinabi ni (Finance) Secretary Cesar Purisima sa isang hapunan bilang pagdiriwang ng ika-isang milyong sasakyang nabili mula sa Toyota Motor Philippines noong Abril matapos ang 26 na taong pamamalagi sa pamilihan.
PAMAHALAAN, NATUTUWA SA TAGUMPAY NG MGA MANGANGALAKAL. Ayon kay Finance Secretary Cesar V. Purisima, isang malaking nagawa ang nakamtan ng TMPI sa pagtatagumpay nito sa larangan ng automotive industry. Si Secretary Purisima ang guest of honor and speaker sa pagdiriwang kagabi sa Makati Shangri-La Hotel. (TMP Photo)
Idinagdag ni Secretary Purisima na hindi biro ang makapagbili ng isang milyong sasakyan sapagkat mangangahulugan ito ng ibayong pagkayod ni Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson upang makagawa ng dagdag na mga lansangan at maiwasan ang mabagal na trapiko.
Ani Kalihim Purisima, ang kalahating milyong sasakyan ay nabili noong nakalipas na walong taon ang malaki ang posibilidad na higit sa 300,000 mga sasakyan ang naipagbili mula ng manungkulan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Naunahan na rin ng Pilipinas sa ikatlong puwesto sa ASEAN sa mga naipagbibiling sasakyan mula sa Toyota. Umakyat na rin ang Pilipinas sa pandaigdigang talaan ng Toyota at nakamtan ang ika-13 puesto. Tumaas na rin ang benta ng mga sasakyan sa unang anim na buwan ng 2015 sa pagkakaroon ng 21%.
Pinuri niya ang Toyota Motor Philippines sa pagbabayad ng P 174 bilyong piso sa nakalipas na 26 na taon. Sa paglagda ni Pangulong Aquino sa isang executive order na pinamagatang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy, higit na sisigla ang industriya ng mga sasakyan.
Mas malaking buwis din ang matatamo ng pamahalaan sa ilalim ni Commissioner Kim Henares.
Umaasa si Secretary Purisima na sa ilalim ng programa ng pamahalaan, higit na madadagdagan ang mga modelo ng sasakyang mabubuo sa Pilipinas at makakadagdag sa bilang ng kumpanyang gagawa ng mga spare parts na magdaragdag sa hanapbuhay ng mga Pilipino.
Kabilang sa mga naging panauhin sina Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhide Ishikawa, G. Kyoichi Tanada, Managing Officer at Chief Executive Officer ng Toyota sa Asia, Middle East at North Africa at Senador Edgardo "Sonny" Angara. Kasama rin sa punong abala sina TMP President Michinobu Sugata at Atty. Rommel Gutierrez.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |