|
||||||||
|
||
Senador Santiago nanawagang siyasatin ang kalagayan ng mga katutubo
HINILING ni Senador Miriam Defensor Santiago sa kanyang mga kapwa senador na siyasatin ang kalagayan ng may 700 mga katutubo sa Mindanao dahilan umano sa mga operasyon ng militar at mga para-military units doon.
Isang resolusyon ang ipadadala ni Senador Santiago sa Senado ayon sa mga rekomendasyon ni Dr. Chaloka Beyani, United Nations special rapporteur sa mga diumano'y paglabag sa mga karapatan ng mga katutubo.
Sampung araw ang itinagal ni G. Beyani sa ilang bahagi ng Pilipinas mula ika-21 hanggang ika-31 ng Hulyo.
Hindi umano mapapabayaan ang kalagayan ng mga katutubo na siyang karaniwang nabibiktima sa mga sagupaan ng mga kawal at mga guerilya. Nakagugulat, ani Senador Santiago na mga kawal at mga kaalyado nilang paramilitary operatives ang naghahasik ng lagim sa mga katutubo.
Kanyang tinuturan ang mga katutubo sa United Church of Christ sa Haran, Davao City na kasalukuyang problemado sa pananatili ng mga armado sa kanilang mga lupang tinubuan. Ilang ahensya ng pamahalaan ang nagsabing puwersahang inilipat ang mga katutubo sa isang simbahan taliwas sa kanilang kalooban.
Lumabas ang pahayag ni Senador Santiago matapos magsalita si G. Beyani na nagpapabulaan sa pahayag ng militar sa Davao City. Hindi umano makatarungan ang ginawa ng AFP sa bagay na ito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |