Presidential candidate Roy V. Seneres, Sr., pumanaw na
MATAPOS lumiham sa Commission on Elections noong nakalipas na linggo na iaatras na niya ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo, pumanaw na kaninang umaga ang dating Ambassador at ngayo'y Congressman Roy V. Seneres, Sr. matapos atakehin sa puso kaninang umaga. Pumanaw ang dating ambassador at mambabatas sa komplikasyon ng sakit na diabetes.
Sa isang pahayag, pinuri ni Communications Secretary Herminio "Sonny" Coloma, Jr. ang yumao sa kanyang naimbag sa lipunang Filipino mula sa paglilingkod bilang ambassador sa United Arab Emirates noong 1994 hanggang 1998, at pagiging chairman ng National Labor Relations Commission mula 2000 hanggang 2005.
Nakiramay din si Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senador Francis Escudero sa mga naulila ng mambabatas. Si G. Duterte at G. Seneres ay magkasama sa iisang fraternity noong nasa College of Law sila sa San Beda College.
Ayon kay G. Escudero, malaking kawalan sa mga manggagawang Filipino si G. Seneres.
Naglingkod din si G. Seneres bilang labor attaché sa Washington, D. C. mula 1990 hanggang 1993. Sa pag-atras ni G. Seneres sa pagkandidato sa pagka-pangulo, lilima na lamang ang nalalabing pagpipilian ng mga Filipino.
1 2 3 4 5 6