Sa Yuxi ng lalawigang Yunnan, Tsina, Lunes ng gabi, Hunyo 13, 2016-Isang bangketeng panalubong ang inihandog ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina sa kanyang mga ASEAN counterpart para sa Espesyal na Kumperensiya ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN.
Sa talumpati sa pagtitipon, ipinahayag ni Wang Yi ang pag-asang magiging magkatuwang at magkaibigan ang Tsina at mga bansa ng ASEAN sa hene-henerasyon. Ito aniya'y tumpak na kapilian para sa dalawang panig, at angkop din sa komong interes ng dalawang panig.
Ani Wang, nitong 25 taong nakalipas, sapul nang itatag ang relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, walang tigil na umuunlad at nakakabunga ang bilateral na relasyon ng dalawang panig. Samantala, kasalukuyang isinasagawa ng Tsina at ASEAN ang estratehikong pagtutulungan sa ibat-ibang larangan.
Ipinahayag din ni Wang ang pag-asang pahahalagahan ang bungang natamo sa pagtutulungan ng Tsina at ASEAN, at iiwasan ang anumang negatibong elemento na makaapekto sa kalagayang pangkooperasyon ng dalawang panig, para pangalagaan ang malusog at pangmatagalang pag-unlad ng relasyon nito.