Sa sidelines ng Ika-71 Pangkalahatang Asemblea ng United Nations(UN), na idinaraos sa New York, punong himpilan ng UN, nag-usap, gabi ng Setyembre 18, 2016 sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at Frederica Mogherini, Mataas na Kinatawan ng Unyong Europeo na Namamahala sa mga Suliraning Diplomatiko at Panseguridad.
Ipinahayag ni Wang na sa Taunang Summit ng Tsina at Europa sa 2016, narating ng dalawang panig ang ilang komong palagay, at ito'y magbibigay-sigla sa ibayong pagpapasulong ng pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Europa para pahigpitin ang pagtutulungan sa mga suliraning pandaigdig, at harapin ang ibat-ibang global challenge, na kinabibilangan ng isyu ng refugee. Umaasa aniya ang Tsina na matutupad ng Europa ang Article 15 of the Protocol on the Accession of China to World Trade Organization (WTO), at maayos na hahawakan ang mga sensitibong isyung may-kinalaman sa nukleong interes ng Tsina.
Ipinahayag naman ni Frederica Mogherini ang pag-asang ibayong mapapasigla ang relasyong Sino-Europeo, batay sa balangkas ng Hangzhou G20 Summit at Taunang Summit ng Tsina at Europa. Samantala, nakahanda aniya ang Europa na magsikap, kasama ng Tsina para pahigpitin ang multilateral na pagtutulungan, batay sa balangkas ng UN. Positibo rin aniya ang Europa sa mahalaga at konstruktibong papel ng Tsina sa UN. Idinagdag pa ni Frederica Mogherini na nagsisikap ang Europa para tupdin ang nasabing ika-15 article. Aniya pa, hindi magbabago ang paninindigan ng Europa sa isyu ng Tibet.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa isyu ng Afghanistan, Syria at isyung nuklear ng Iran.