Pangalawang Pangulong Binay, nanawagan sa mga biktima ng Batas Militar
PINAKIKIUSAPAN ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang mga biktima ng Batas Militar na mag-file ng kanilang claims upang mabigyan ng kompensasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni G. Binay na nananawagan siya sa mga dating detenido at mga biktima ng pang-aabuso sa ilalim ng Martial Law na mag-file upang mabigyan ng kompensasyon. Hindi mahalaga ang salapi bagkos ay ang pagkilala sa nagawa upang labanan ang panggigipit noong panahon ni G. Marcos.
Magpapaabot din siya ng claim at gagamitin ang salaping makakamtan upang mapondohan ang mga anak ng biktima ng Martial Law. Pagpapatuloy lamang ito ng pagtulong sa mga biktima ng Marcos regime apat na dekada na ang nakalilipas, dagdag pa ni G. Binay.
Nadakip at nadetine siya sa Ipil Rehabilitation Center. Tumulong din siya sa pagtatatag ng Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism, Inc. (MABINI), isang grupo ng abogadong kinabibilangan nina Senador Lorenzo Tanada, Wigberto Tanada, Rene Saguisag at Joker Arroyo.
May takdang panahon ang mga biktimang magpaabot ng kanilang application mula Mayo 12 hanggang unang araw ng Nobyembre, 2014 ayon sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10368 na pinamagatang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Tatanggapin ng Human Rights Claims Board ang lahat ng mga application forms.
1 2 3 4 5 6 7 8