|
||||||||
|
||
Mga bansa sa Asia Pacific, nararapat maghanda
KAILANGANG paghandaan ng mga bansa sa Asia Pacific region ang mga napipintong mga trahedyang dulot ng pagbaha, bagyo, tagtuyot at heat waves at mas makabubuting tugunan ang mga peligrong maidudulot ng mga ito.
Sa isang pagsusuring ginawa ng Asian Development Bank, napuna ng mga dalubhasa na dumami ang mga insidente sa nakalipas na apat na dekada at nakaapekto sa kalahati ng mga bansa sa rehiyon.
Ayon sa Contributors to the Frequency of Intense Climate Disasters in Asia-Pacific Countries, may mga pamahalaang naniniwalang bahagi lamang ito ng kalikasan sa halip na kilalanin bilang mga pangyayaring dulot ng kagagawan ng tao.
Ipinaliwanag ng mga may akdang pinamunuan ni Vinod Thomas ng Independent Evaluation sa Asian Development Bank, may tatlong pagkakataon na ang mga peligro ay mauwi sa trahedya tulad ng pagkakalagay ng mga mamamayan sa mga pook na mapanganib, ang kanilang kawalan ng kakayahang tumugon sa mga pangangailangan at ang paglubha at pagdalas ng mga peligrong may kinalaman sa klima.
Idinagdag pa ni G. Thomas, may relasyon ang mga nagaganap sa klima at ang pagdami o pagdalas ng mga trahedya na siyang nagbibigay halaga sa pangangailangan ng preventive measures kabilang na ang climate mitigation. May kinalaman ang pagbabago sa panahon sa pagtaas ng greenhouse gas concentration na nagdudulot ng mga pagbaha, bagyo, tagtuyot at biglang pagtaas ng temperatura.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |