|
||||||||
|
||
Mga mambabatas may malaking papel sa kapayapaan sa rehiyon
KASUNDUAN NG MGA MAMBABATAS, NILAGDAAN. Nagkaisa sina Congressman Rodolfo Biazon, House Defense Committee Chairman at Member of Parliament (Diet) Hiroshi Nakada ng Party of Future Generations na magtutulungan upang payapang malutas ang mga 'di pagkakaunawaan sa mga bansa sa Asia. Niliwanag nilang ang mga paglagdang ito ay sa kanilang personal na kapasidad, Umaasa silang makakasama ang iba pang mga mambabatas sa Asia. (Melo M. Acuna)
NAGKASUNDO sina House Defense Committee Chairman Rodolfo Biazon at Member of Parliament Hiroshi Nakada ng Party of Future Generations sa kani-kanilang personal na kapasidad na mahalaga ang papel ng mga mambabatas sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Dumating ang delegasyong binubuo ng anim na mambabatas mula sa Party of Future Generations sa Pilipinas at nakipag-usap kina House Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr., Senador Antonio Trillanes IV ng Senate Committee on Defense, kanyang counterpart sa Mababang Kapulungan, Congressman Rodolfo Biazon at mga kasapi ng House Committee on Foreign Relations sa kanilang pagdalaw kahapon sa dalawang kapulungan.
Sa isang press conference kanina, sinabi ni G. Nakada na unang hakbang pa lamang ito at umaasang makakausap din ang iba pang mga bansa sa Asia na kinabibilangan din ng Tsina.
Ayon sa kanilang nilagdaang kasunduan bilang mga mambabatas, sa pagiging kapuluan ng dalawang bansa, ng Japan at Pilipinas, kailangan ang pagtutulungan sapagkat mayroong mga pinahahalagahang panuntunan tulad ng paggalang sa mga batas hinggil sa karagatan. Liliwanagin ng magkabilang panig ang kani-kanilang mga oaghahabol ayon sa international law ng hindi gumagamit ng dahas o pananakot at pag-iibayuhin ang pagkilos upang malutas ang mga 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mapayapang paraan.
Magpupunyagi ang mga mambabatas na tawagan ang kanilang mga pamahalaan upang malutas ang mga 'di pagkakaunawaan sa ibang bansa sa payapang paraan, mananawagan sa mga kapwa mambabatas na bubo ng Parliamentarians League for Maritime Security in Asia at makikipagtulungan sa iba pang mga mambabatas mula sa iba't ibang bansa na sumama sa kanilang adbokasya.
Anim na mambabatas mula sa Japan at 13 mambabatas mula sa Pilipinas ang lumagda sa kasunduan. Lumisan na ang mga mamababatas at pabalik na sa Japan kaninang hapon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |