|
||||||||
|
||
Kagawaran ng Kalusugan, Novartis Healthcare Philippines at Novartis Foundation, magtutulungan laban sa leprosy
PAGTULONG NG NOVARTIS, TINIYAK. Magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng Novartis Healthcare Philippines at Novartis Foundation sa Department of Health sa pagsugpo sa ketong o leprosy sa Pilipinas. Ito ang tiniyak ni Bb. Christine Fajardo sa paglagda ng pamahalaan at Novartis sa isang kasunduan sa Manila Hotel. (Melo M. Acuna)
MAGPAPATULOY ang kampanya ng Kagawaran ng Kalusugan, Novartis Healthcare Philippines at Novartis Foundation sa pagsugpo sa nalalabing kaso ng leprosy at mapigilan ang pagbabalik ng karamdamang ito sa bansa.
Natapos na ang pagkilala sa leprosy bilang "public health problem" sa bansa noong 1998 nang umabot na lamang sa halos isang kaso sa bawat 10,000 Filipino ang nagtaglay ng karamdaman.
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, mayroon pa ring manaka-nakang bilang ng may leprosy o ketong sa ilang mga bayan mula sa ilang rehiyon na mas mataas kung ihahambing sa ibang pook.
Sa mensaheng ipinadala ni Kalihim Janette Loreto-Garin, ikinatuwa niya at ng kagawaran ang pakikipagtulungan sa nalalabing mga kaso ng ketong sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Dr. Nikolaos Tripodis, pangulo at managing director ng Novartis Healthcare Philippines na nanatili ang kanilang tulong sa pamahalaan at mga may karamdaman.
Ipinaliwanag ni Bb. Christine Fajardo, corporate affairs director ng Novartis na mula noong 2000, nakapagbigay na ang Novartis ng may 47,000 multi-drug therapy courses sa mga may ketong. Ang MDT ang nakagamot sa mga pasyente, nakapigil sa pagkalat ng karamdaman at napigil ang pagkakaroon ng kapansanan. Ang maagang pagkakabatid na may ketong at madaliang paggamot ang mahala upang mapigil ang karamdamang ito na napuna na sa Pilipinas noon pa mang panahon ng mga Kastila.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |