Kinatagpo sa Hangzhou, Setyembre 5, 2016 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Punong Ministro Theresa May ng Britanya, na dumalo sa katatapos na Hangzhou G20 Summit. Binigyang-diin ni Pangulong Xi na sa darating na ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Britanya sa susunod na taon, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Britanya, para ibayong pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa, sa ika-21 siglo. Binigyang-diin ng Pangulong Tsino na inaasahan niyang ipagpapatuloy ang mataas na mekanismong pandiyalogo ng Tsina at Britanya, pahihigpitin ang estratehikong pagpapalitan at pagpaplano, at ibayong palalalimin ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan. Ipinahayag din niya ang pag-asang ibayong pasusulungin ang pragmatikong pagtutulungan ng Tsina at Britanya sa ibat-ibang larangan, lalo na sa kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, at pinansya. Nais din ni Xi na palalawakin ang pagtutulungan sa mga umuusbong na larangang gaya ng urbanisasyon, bagong high-tech, malinis na enerhiya; palalalimin ang pagpapalitan sa kultura, edukasyon, kalusugan, palakasan, kabataan, at media; at pasusulungin ang talastasan hinggil sa pagtatatag ng mekanismong pangkooperasyon sa law enforcement, at paglaban sa korupsyon. Umaasa rin ang Pangulong Tsino na pahihigpitin ng Tsina at Britanya ang pagtutulungan sa mga mainit na isyung pandaigdig, batay sa balangkas ng United Nations(UN), G20, at Asian Infrastructure Investment Bank(AIIB). Samantala, palalakasin aniya ng Tsina at Britanya ang pagtitiwalaang pampulitika, palalawakin ang komong interes, at maayos na lulutasin ang pagkakaiba ng palagay.
Ipinahayag naman ni Theresa May ang pagbati sa natamong tagumpay ng katatapos na Hangzhou G20 Summit. Sinabi niyang nananatiling pinakamainam ang relasyong Sino-Britaniko, at may malaking potensyal ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa mas malawak na larangan. Aniya, nagsisikap ang Britanya para palalimin ang komprehensibong estratehikong partnership, pag-uunawaan at pagtitiwalaan ng dalawang bansa. Umaasa rin aniya siyang pahihigpitin ang pagtutulungan ng Tsina at Britanya sa ibat-ibang larangang kinabibilangan ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, pinansya, seguridad, at law enforcement.