|
||||||||
|
||
Pagdalaw at pagtulong sa mga bilanggo, pag-iibayuhin ng PAO
HIGIT na makikita ang mga tauhan ng Public Attorney's Office sa iba't ibang piitan sa buong bansa sa mga susunod na araw upang mabatid ang katayuan ng mga napipiit at mabigyan ng payong legal.
Sa panayam kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta, ang Chief Public Attorney, naging maganda ang 2013 para sa kanilang tanggapan. Enero pa lamang ay nahiling nila sa hukuman sa Calbayog City na palayain si Ericson Acosta, ang dating punong patnugot ng Philippine Collegian na pinapanagot sa ilang mga usapin.
Ayon sa kanyang pahayag, nakalabas na sa piitan at malaya na si Acosta, tulad rin ng kasambahay ni Janet Lim Napoles na inakusahan ng pagnanakaw.
Sa usaping may kinalaman sa paglubog ng isa sa mga barko ng Sulpicio Lines, walong saksi na ang naitanghal sa hukuman ng Public Attorney's Office. Ang pagdinig sa Cebu City ay naantala sapagkat napinsala ng lindol ang hukuman noong nakalipas na Oktubre.
Ngayong 2014, paiigtingin nila ang Barangay Legal Outreach at iba pang mga palatuntunan upang isulong ang paggalang sa batas. Kasabay din nito ang panggagamot ng kanilang mga duktor at dentista sa mga piitan. Namimigay din sila ng mga gamot sa mga bilanggo.
PUBLIC ATTORNEY'S OFFICE, PAG-IIBAYUHIN ANG PAGTULONG SA MGA BILANGGO. Tiniyak ni Atty. Persida V. Rueda-Acosta ang pagdalo sa mga pangangailangan ng mga bilanggo. Dadalaw ang PAO sa mga piitan sa iba't ibang bahagi ng bansa ngayong 2014. (PAO Photo)
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |