|
||||||||
|
||
Exports ng Pilipinas, lumago noong Nobyembre
NAPUNA ang magandang galaw ng manufactured at agro-based products kaya't umangat ang merchandise exports noong Nobyembre ng 2013. Ito naman ang ibinalita ng National Economic and Development Authority.
Ito ang lumabas na pahayag matapos ibalita ng National Statistics Office ang paglago ng 18.9% ng merchandise exports at umabot sa US$ 4.3 bilyon mula sa US $3.6 bilyon noong 2012.
Sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na ang magandang export performance ng mga manufactured products ay mula sa electronics kaya't malaki ang posibilidad na makabawi ang manufacturing sector bilang isa sa growth drivers ng bansa.
Ang exports ng manufactured goods ay nagkaroon ng double-digit growth na 16.9% noong Nobyembre 2013 kaya't mayroong total value na $ 3.7 bilyon noong buwang nabanggit.
Napuna ang pag-unlad sa manufactured items tulad ng electronic products, garments, wood manufactures, chemicals, machinery at transport equipment.
Ang electronics ay nakapag-ambag ng higit sa kalahati ng exports receipts mula sa manufactured goods na tumaas ng 10%, ayon sa itinayang pagbawi ng bentahan sa daigdig ng personal computers at pagbabalik ng global consumer confidence.
Idinagdag pa ni G. Balisacan na tumaas tin ang export revenues mula sa agro-based products tulad ng saging, mga produktong mula sa isda, centrifugal at refined sugar, desiccated coconut at tabako.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |