“Malaking tulong iyan, malaking tulak iyan sa ekonomiya ng Pilipinas. Nagagalak ako na ang Senado natin ay pumirma na rin.”
Ito ang sinabi ni Jaime “Ka Jimi” FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina kaugnay ng pagsali ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), sa eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG), Marso 3, 2023.
Nitong nagdaang Pebrero, pinagtibay ng Senado ng Pilipinas ang pagsali ng bansa sa RCEP.
Kabilang sa 15 miyembro nito ay ang sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, Timog Korea, New Zealand, at Australya.
Ang RCEP ay ang pinakamalaking lugar ng malayang kalakalan sa daigdig, na may Gross Domestic Product (GDP) na katumbas ng 30% ng GDP ng buong mundo.
Inilahad ni Embahador FlorCruz na, dahil sa pagsangkot ng Pilipinas sa RCEP, mapapalawak ang pakikipagkalakalan ng bansa sa Tsina at iba pang mga kasapi.
Mapapababa rin aniya ang mga taripa, tataas ang pagluluwas ng Pilipinas sa mga kasaping bansa, at bababa ang presyo ng mga aangkating produkto mula sa ibang bansa.
Makikinabang dito ang mga karaniwang mamimili at kompanyang Pilipino, dagdag pa ni FlorCruz.
Ayon sa opisyal na datos ng Pilipinas, ang RCEP ay sumasaklaw sa humigit-kumulang 50.4% ng pamilihan ng pagluluwas ng bansa, 67.3% ng pinanggalingan ng pag-aangkat, at 58% ng direktang puhunang dayuhan (FDI).
Ulat: Kulas
Patnugot sa website: Kulas
Mga tanong: Sissi/Kulas/Jade
Panayam: Rhio
Cameramen: Deng Botao/Zhao Zhiqiang/Gong Ziyang
Light: Han Peng
Audio: Yang Guohui
Patnugot sa video: Qin Lei/Kulas/Jade
Transcription at pagsalin sa panayam: Sissi/Kulas/Jade
Espesyal na pasasalamat kina Liang Shuang, Tai Linzhen, Yuanqi