Kinatagpo Nobyembre 4, 2018 sa Shanghai ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Punong Ministrong Nguyễn Xuân Phúc ng Biyetnam na dadalo sa China International Import Expo (CIIE).
Tinukoy ni Pangulong Xi na sa harap ng ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibong estratehikong partnership sa pagitan ng dalawang bansa, inaasahang ibayong pasusulungin ang pagtutulungan ng Tsina at Biyetnam para maisakatuparan ang magkasamang pag-unlad. Ito aniya'y angkop sa komong interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Ipinahayag ng Pangulong Tsino na bilang guest of honour ng CIIE at pinakamalaking trading partner ng Tsina sa Timog Silangang Asya, palalawakin ng Tsina ang pag-aangkat mula sa Biyetnam, at ang pagtutulungan ng dalawang panig sa larangan ng pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan. Umaasa aniya siyang magsisikap ang Tsina at Biyetnam para magkasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa karagatan, para pasulungin ang pagtutulungang pandagat ng dalawang panig.
Ipinahayag naman ni Nguyễn Xuân Phúc ang pag-asang pahihigpitin ang mataas na pagpapalitan ng Tsina at Biyetnam, at pasusulungin ang pragmatikong pagtutulungan. Aniya, ang kasalukuyang CIIE ay nagpapakita ng determinasyon ng Tsina sa pagpapalawak at pagpapasulong ng pagbubukas sa labas at malayang kalakalan. Nakahanda aniya ang Biyetnam na samantalahin ang pagkakataon para palawakin ang pagluluwas sa Tsina. Samantala, nakahanda aniyang magsikap ang Biyetnam, kasama ng Tsina para maayos na hawakan ang mga isyung pandagat, alinsunod sa narating na komong palagay ng dalawang panig.