|
||||||||
|
||
Senador Enrile, tumangging may kasalanan
NANINDIGAN si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na wala siyang kasalanan sa mga akusasyong ibinato sa kanya ng Ombudsman sanhi ng pork barrel scam.
Sinabi ni Senador Enrile sa Sandiganbayan na wala siyang nagawang anumang kasalanan. "Not guilty" rin ang pahayag ng negosyanteng si Janet Lim Napoles at Technology Resource Center Director General Dennis Cunanan sa mga usapin laban sa kanila.
Walang naging pahayag ang chief of staff ni Senador Enrile na si Atty. Jessica "Gigi" Reyes. Ang lahat ay nahaharap sa kasong graft sanhi umano ng pagbubulsa ng mga kinita mula sa Priority Development Assistance Fund na kilala sa katagang pork barrel sa pagpapadala ng pondo sa mga palsipikadong non-government organizations na binuo umano ni Napoles.
Akusado sina Enrile, Reyes, Napoles, Ronald John Lim at Raymund de Asis ng pagkakamal ng P 172.8 milyon mula 2004 hanggang 2010. Nahaharap din sila sa kasong plunder.
Sina Enrile at Reyes ay akusado ng pagtanggap ng salapi mula kay Napoles at sa kanyang mga kinatawan na sina Lim at De Asis. Akusado rin ng graft sina Antonio Evangelista at ilang opisyal ng Department of Budget and Management.
Ang mga saksi laban sa mga akusado ay kinabibilangan nina Ruby Tuason at mga kawani ni Napoles na sina Benhur Luy, Merlina Suñas at Marina Sula.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |